Tuesday, July 8, 2008

Langit...Lupa...Impiyerno!


(Ang larawang ito ay kuha at pinahintulutang gamitin sa blogpost na ito ni Ginoong Emmanuel Catabas)

Kung ating babalikan ang mg araw ng ating kamusmusan, ang “Langit, lupa at impiyerno” ay mga katagang sa laro lamang kadalasang napapakinggan. Marahil sa kamusmusang ding iyon tayo namulat sa kung anong pagkakaiba ng tatlong bagay na nabanggit.

Sa ating pagkabata, payak pa ang ating pagsasalarawan sa “langit”, kung saan ito ang lugar ng mga mababait at mabubuting nilalang na gaya ng isang lumang laro ay dapat tuntungan. Sa kabilang dako, ang lupa naman na siyang ating tinatapakan at nilalakaran ang nagsisilbing labanan natin upang makatakbo at makaiwas sa mapanganib na kamay ng kasamaan; dahil kung hindi, mahuli taya, at sa kinatatakutang impiyerno ang kababagsakan. Simpleng laro ng kabataan, subalit isang kumpletong pagsasalarawan sa totoong kalagayan ng ating lipunan.

Sa paglabas ko sa aking tanggapan kahapon pauwi sa aking tinutuluyan, bumuhos ang malakas na ulan na hindi ko napaghandaan. Sa isang munting silong ng isang “convenience store”, ako ay nagpalipas ng ilang minuto habang pinapanood ang mga nagkakarerang pampublikong sasakyan sa isang maluwang na kalsada. Nang hindi kalaunan, may isang grupo ng kabataang marurungis ang huminto at tumambay sa aking kinatatayuan. Wala silang ibang lengguwaheng alam kundi ang mga mura na kadalasan ay naririnig sa mga matatanda. Ilan sa mga ito ay itsurang nasa huling baitang pa lamang ng mababang paaralan, subalit aninag sa mukha ang labis na kahirapan na pilit nagpatanda sa kanilang kaisipan. “Rugby” ang tanging nagkukubli sa kanila sa kahirapang kinasasadlakan at ang supot na pinagpapasa-pasahan ang siyang tanging nagbibigay ng konting ngiti sa mga labi nilang maitim na sa labis na pagkalulong sa nakamamatay na kemikal. Nakakatakot ding isipin na sumpak at “ice pick” ang tangi nilang kakampi, at anumang oras, maaari ka nilang maging biktima.

Habang pinagmamasdan ng mga taong dumaraan at kagaya ko’y nakikisilong ang mga grupo ng kabataang ito, hindi ko lubos maisip, na salat sila sa lahat ng bagay. Marahil, ilan sa kanila ang ulila na o di naman kaya ay inabandona ng magulang. Sa isip ko, ako’y nagtatanong kung ilan kaya sa kanila ang nasubukan ng maglaro ng kotse-kotsehan o kaya’y makahawak ng bola at robot o di naman kaya’y nasubukan ng ihatid sa paaralan ng mga magulang, ilan kaya sa kanila ang marunong ng magbasa at sumulat, at ilan kaya sa kanila ang may mauuwiang tahanan pagsapit ng dilim? Subalit isang malaking buntong hininga lang ang pilit sumagot sa aking mga katanungan. Hindi na rin nabura ang suspetsa ko na marahil, sa mga murang edad ng mga kabataang ito’y natuto ng gumawa ng krimen maitawid lang ang sikmurang kumakalam o bisyong kailangang tustusan.

Nakakatakot subalit nakaaawa sa kabilang banda ang kanilang kalagayan. Mga batang kapit sa patalim na sa anumang oras, hindi mo alam ang puwede nilang gawin.

Sa di kalayuan, tanaw ko ang dalawang pulis na abala sa pagmamani-obra sa trapik sa lansangan. Napailing na lang ako ng mapagtanong ang mga dapat tumutulong sa lipunan ay nagiging bulag sa katutuhanan at walang ginagawa. Kung sabagay, matagal na ring nawala ang tiwala ko sa kapulisan dahil nakailang sakay na rin ako ng jeep na pilit nilang hinahanapan ng pagkakasala ang tsuper upang may makutungan. Hindi na ako nanibago sa aking nakita, at mas maniniwala akong ligtas ang mga kawawang kabataang nasa silong ng tindahan kung hindi sila malalagay sa mga kamay ng mga parak. Normal na rin kasi sa akin ang makarinig ng mga kabataang pinapatay at itinatapon na lang kung saan saan; at kalimitang pulis ang may kagagawan.

Habang papatila ang ulan, minabuti ko ng habulin at sumabit sa parating na jeep upang makalayo sa aking kinaroroonan; subalit pilit ko pa ring tinatanaw papalayo ang mga paslit na nagbubuhay impiyerno sa lupa at ang tanging alam na paraan para makatakas patungong langit ay ang pagsinghot ng “rugby”.

1 comment:

Unknown said...

love your site, too!!!