Tuesday, July 8, 2008

Langit...Lupa...Impiyerno!


(Ang larawang ito ay kuha at pinahintulutang gamitin sa blogpost na ito ni Ginoong Emmanuel Catabas)

Kung ating babalikan ang mg araw ng ating kamusmusan, ang “Langit, lupa at impiyerno” ay mga katagang sa laro lamang kadalasang napapakinggan. Marahil sa kamusmusang ding iyon tayo namulat sa kung anong pagkakaiba ng tatlong bagay na nabanggit.

Sa ating pagkabata, payak pa ang ating pagsasalarawan sa “langit”, kung saan ito ang lugar ng mga mababait at mabubuting nilalang na gaya ng isang lumang laro ay dapat tuntungan. Sa kabilang dako, ang lupa naman na siyang ating tinatapakan at nilalakaran ang nagsisilbing labanan natin upang makatakbo at makaiwas sa mapanganib na kamay ng kasamaan; dahil kung hindi, mahuli taya, at sa kinatatakutang impiyerno ang kababagsakan. Simpleng laro ng kabataan, subalit isang kumpletong pagsasalarawan sa totoong kalagayan ng ating lipunan.

Sa paglabas ko sa aking tanggapan kahapon pauwi sa aking tinutuluyan, bumuhos ang malakas na ulan na hindi ko napaghandaan. Sa isang munting silong ng isang “convenience store”, ako ay nagpalipas ng ilang minuto habang pinapanood ang mga nagkakarerang pampublikong sasakyan sa isang maluwang na kalsada. Nang hindi kalaunan, may isang grupo ng kabataang marurungis ang huminto at tumambay sa aking kinatatayuan. Wala silang ibang lengguwaheng alam kundi ang mga mura na kadalasan ay naririnig sa mga matatanda. Ilan sa mga ito ay itsurang nasa huling baitang pa lamang ng mababang paaralan, subalit aninag sa mukha ang labis na kahirapan na pilit nagpatanda sa kanilang kaisipan. “Rugby” ang tanging nagkukubli sa kanila sa kahirapang kinasasadlakan at ang supot na pinagpapasa-pasahan ang siyang tanging nagbibigay ng konting ngiti sa mga labi nilang maitim na sa labis na pagkalulong sa nakamamatay na kemikal. Nakakatakot ding isipin na sumpak at “ice pick” ang tangi nilang kakampi, at anumang oras, maaari ka nilang maging biktima.

Habang pinagmamasdan ng mga taong dumaraan at kagaya ko’y nakikisilong ang mga grupo ng kabataang ito, hindi ko lubos maisip, na salat sila sa lahat ng bagay. Marahil, ilan sa kanila ang ulila na o di naman kaya ay inabandona ng magulang. Sa isip ko, ako’y nagtatanong kung ilan kaya sa kanila ang nasubukan ng maglaro ng kotse-kotsehan o kaya’y makahawak ng bola at robot o di naman kaya’y nasubukan ng ihatid sa paaralan ng mga magulang, ilan kaya sa kanila ang marunong ng magbasa at sumulat, at ilan kaya sa kanila ang may mauuwiang tahanan pagsapit ng dilim? Subalit isang malaking buntong hininga lang ang pilit sumagot sa aking mga katanungan. Hindi na rin nabura ang suspetsa ko na marahil, sa mga murang edad ng mga kabataang ito’y natuto ng gumawa ng krimen maitawid lang ang sikmurang kumakalam o bisyong kailangang tustusan.

Nakakatakot subalit nakaaawa sa kabilang banda ang kanilang kalagayan. Mga batang kapit sa patalim na sa anumang oras, hindi mo alam ang puwede nilang gawin.

Sa di kalayuan, tanaw ko ang dalawang pulis na abala sa pagmamani-obra sa trapik sa lansangan. Napailing na lang ako ng mapagtanong ang mga dapat tumutulong sa lipunan ay nagiging bulag sa katutuhanan at walang ginagawa. Kung sabagay, matagal na ring nawala ang tiwala ko sa kapulisan dahil nakailang sakay na rin ako ng jeep na pilit nilang hinahanapan ng pagkakasala ang tsuper upang may makutungan. Hindi na ako nanibago sa aking nakita, at mas maniniwala akong ligtas ang mga kawawang kabataang nasa silong ng tindahan kung hindi sila malalagay sa mga kamay ng mga parak. Normal na rin kasi sa akin ang makarinig ng mga kabataang pinapatay at itinatapon na lang kung saan saan; at kalimitang pulis ang may kagagawan.

Habang papatila ang ulan, minabuti ko ng habulin at sumabit sa parating na jeep upang makalayo sa aking kinaroroonan; subalit pilit ko pa ring tinatanaw papalayo ang mga paslit na nagbubuhay impiyerno sa lupa at ang tanging alam na paraan para makatakas patungong langit ay ang pagsinghot ng “rugby”.

Monday, July 7, 2008

Hinagpis Ng Piping Palaboy (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog, Petsa: Setyembre 10, 2007)


Pinagtagpi-tagpi...
Pinagtugma-tugma...
Ng mga pangyayaring di maipaliwanag ng Siyensia...

Nakayayamot...
Nakababagot...
Palagi na lang pakamut-kamot...

Nakatutuliro...
Nakagugulo...
Mga kuwentong paliku-liko...

Kagimbal-gimbal...
Kasuklam-suklam...
Ang walang kasawa-sawang ulam...

Nakaiinis...
Nakabubuwisit...
Lagi na lang bang paulit-ulit?

Kamangha-mangha...
Kaaya-aya...
Ang mga taong maraming pera...

Nakaluluko...
Nakabobobo...
Ayos na sana ang buto-buto...

Kaabag-abag...
Kaawa-awa...
Pritong tuyo na nagi-isa...

Nagmamaktol...
Nagdadabog...
Hanggang kailan kaya lubog?

Patakbu-takbo...
Patagu-tago...
Sa mga parak na papitu-pito...

Nakahihingal...
Nakapapagod...
kariton ay muntik mahulog...

Sari-saring isip...
Samu't saring kuwento...
Pinaghalu-halo't nagkalabu-labo...

Ito ang hinagpis ng nagdidiliryo...
Naglilitanyang piping tulad ko...

Darang (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog, Petsa: Marso 02, 2007)


parang kelan lang nung mahangin sa bandang norte
at lahat ng tao ay naka-jacket na kung aakalain mo ay
ga-bundok ang kakapal ng niyebeng nagsisilaglagan...

yun pala, sadyang simoy lang ng hanging amihan sa kanluran
na nagpapahiwatig na kailangan na namang gumastos
sa pagbabalot ng mga pasalubong at regalo sa mga inaanak
na pinagkaka-utangan ng ilang Paskong pagtatago...

lumipas ang mga araw na di namamalayan, at ang mga taong
animo'y balot na balot sa kapal ng suot ay unti-unti ng nagsisi-pagtanggalan
ng saplot dahil matindi na ang unang bugso ng papalapit na tag-init...

oo nga, lumipas na ang buwan ng mga magsing-irog na wala naman
talagang ginawa kundi ang kumaplog at magpakaplog noong araw
ng mga puso...pakiramdam ko nga, lumubog ang kahabaan ng V.Mapa
dahil sa dumadagundong na "lindol" na nagaganap sa mga eskinita nito,
at sa mga kuwartong pinuno ng ungol at sigaw ng dalawang naglalapaang
kaluluwa...kasabay ng pag-init ng panahon, ay ang silakbo ng mga
nagmamahalang nais nilang ipadama sa isa't isa...

nakakatawa kung iisipin na nitong katatapos na buwan, marami pa ang
sinadyang makilahok sa loovapaloza, kung saan wala silang ginawa kundi ang
makipaglaplapan ng sampung segundo, maitala lang ng pinoy ang
pinakamaraming sabay sabay na naghalikan sa buong mundo...pag-ibig nga ba,
o sadyang malibog at hayok lang sa laman ang mga taong sumali dito?
anu't ano pa man ang rason nila, kanila na yun...

tik-tak-tik-tak, ganyan kabilis ang pitik ng tiklado ng orasan sa pag-ikot ng mga araw...sa di inaasahan, ang mga ga-butil na pawis ay tatagaktak na naman...
mainit na naman ang panahon...sa tindi ng sikat at sakit ng sinag ng araw,
marami na namang tao ang uhaw...marami na namang nilalang ang magpapakita
ng laman at angu-udyok ng matinding pagkakasala...

Marso na...Marso na naman...
Buwan Ng Pinaigting Na Kampanya Laban Sa Apoy...
Pero sa ganitong panahon, lalong umaalab ang naga-apoy na sikmura, at laman...
Oo nga, buwan ng apoy...

Marami na namang nilalang ang maglalaro nito...
Makikipagpatintero sa tadhana...
Makikipagtaguan sa mga inosenteng sinagasa...
Isa...Dalawa...Takbo Na Takbo Na...
Tatlo...Apat...Andiyan Na, Andiyan Na...
Sa Darang Ng Galit, Huli Kang Lintik Ka!!!

Tatsulok (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog. Petsa: Pebrero 14, 2007)


1. a closed plane figure having three sides and three angles.
2. a flat triangular piece, usually of plastic, with straight edges, used in connection with a T square for drawing perpendicular lines, geometric figures, etc.
3. any three-cornered or three-sided figure, object, or piece: a triangle of land.
4. a musical percussion instrument that consists of a steel triangle, open at one corner, that is struck with a steel rod.
5. a group of three; triad.
6. a situation involving three persons, esp. one in which two of them are in love with the third.
7. (initial capital letter) Astronomy. the constellation Triangulum.
[Origin: 1350–1400; ME <>In the usual Philippine setting, triangle is a cynical symbol of status gradation of financial wellness, where the wealthy being is place atop, leaving the marginalized ones at the bottom.... it is a comparative instrument of who to pay respect, and who pays respect...

Like any status symbol, tatsulok evolved from a simple geometric figure of "equal planes" to a figure of "diminishing levels of society"...

Sa bansang ito, ang tasulok ay maihahalintulad sa mga kaulayaw ng namumunong pulitiko na kung saan ang tuktok ay doon din ang pilit inaakyat na walang pakialam kung matapakan ang karamihang nasa ibaba nito...

Ang tatsulok, na minsang naging simbolo ng "kapangyarihan" ng mga Ehipto ngayo'y isa ng simbolo ng pakikibaka ng maraming tao, dahil sa maling interpretasion na ang may karapatang mamalagi lang sa tuktok nito ay ang mga mayayaman....

Habang patuloy ang pakikibaka ng napakaraming nilalang sa paghahangad na gawing pantay ang pagtingin sa tatsulok, hindi maiiwasang samu't saring prinsipyo ang nagkakabanggaan na kadalasa'y nauuwi sa karahasan...Dahil dito, naisisilang ang mas matindi at mas madugong sidhi ngpakikibaka...Pakikibakang walang alintana, puwersa sa puwersa, dahas sa dahas...

Habang pinapatnugot ko ang kaisipang ito, hindi ko pa rin lubos maunawaan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng tatsulok...Minsan,inisip ko na ito ay simbolo ng katapangan dahil sa korte nitong patulis na barang espadang panakot sa mga tulisan,ngunit, ang katapangang iyon ay kadalasang wala sa katwiran,at ang tatsulok ay nagiging kampana ng kasawian...

Minsan din,iniisip ko na ang tatsulok ay isang mapagpalang hugis dahil sa ito'y naglalarawan ng proteksion na gaya ng bubong ng bahay,nagbibigay depensa sa mapanganib na buhos ng ulan...

Subalit gaya ng yerong bumubuo nito,hindi rin nakakasiguro kapag may delubyo...

Sa ngayon,habang marami ang patuloy na nagmamartsa at nakikibaka sa ipinaglalabang prinsipyo, masasabing kailanman ay hindi matatapos itong gulo.

Unan (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog, Petsa: Marso 19, 2007)


Ilang taon na rin ang lumipas noong una kong ginamit,
Kay lambot na unan sa pagtulog ko'y bitbit
Nakangiti't nakabungisngis habang aking kayakap,
Ang unan kong mahal bango'y nalalanghap

Nagsimula sa simpleng tuksuhan kung anong gusto kong regalo,
Bahala ka,bahala na,patawang sambit ko
Di mo ako tinantanan, at pilit tinanong mo,
Paborito kong cartoon character ba ay sino

Si Mickey Mouse agad kong tugon dahil marami kaming pagkakapareha,
Nangulit ka pa't sinabi ko na malaki ang aming tainga
Halos lumubo ang sipon mo sa ilong dahil sa tawa,
At ang ngalangala mong mapula halos sumabog pa

Wala pang ilang araw at dumaan ka sa bahay,
Bitbit mo'y isang pakete sabay sabing magustuhan ko sana ay
Pagbukas ko ng munting handog, napangiti ako't natuwa,
Unan na print ay Mickey Mouse, ako'y sineryoso mo pala

Lumipas ang mga gabing maraming bituin sa langit,
Pati mga araw na ang kalawaka'y nagngingitngit
Hindi inalintana ang bawat nakaambang panganib,
Dahil sa unan mong handog mas dama ko ang ligalig

Ngunit lumipas ang panahon at ang unan na bigay mo'y kumupas,
Gaya pala ng pagmamahal mo na unti-unting lumilipas
Inakala long buo, ito'y tunay at wagas
Ngunit mali pala ako dahil ito'y biglaang nagwakas

Tatlong taon na ng mabituin at maulan na gabi ang dumaan,
At ang regalo mong bigay, nagpapaalala ng nakaraan
Sa kama ko sa silid, naroon pa rin ang lumang unan,
Gamit ko pa rin hanggang ngayon, maski ang paborito ko na ay si Superman

Minsan kapag tuliro at hindi makatulog,
Kasama ko't kayakap unan mong handog
Nagtatanong, nagmumuni-muni kung kailan maaayos,
Matagal na pagmamahalang bigla na lang nagtapos

Ngunit tila bulong ng unan, malayo pa, malaya na,
Ang pusong dating ako ang itinitibok, ngayo'y iba na
Limot na, wala na, oh ang unan na lang ang tanging nakapagpapaalala,
Na minsa'y may isang pusong sa pagmamahal ay sagana

Ngunit di pa rin humihinto ang pintig nitong puso,
Hanggat buo at maayos pa ang unan na bigay mo
Nandito lang, naghihintay, ang isang pusong sumisiphayo
Sa muling mahigpit na pagyakap, hindi sa unan kundi sa yo.

Jeep (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog, Petsa: Marso 20, 2007)


Sakay ako ng kakarag-karag na jeep biyaheng Quiapo,
Humaharot sa lansangan, medyo matulin din ang takbo
Pabirit-birit, papreno-preno, ang tsuper na mabaho
Nangangamoy sibuyas at usok ng yosing pinaghalo

Sa di kalayuan tanaw ko ang mga naka-unipormeng butchog sa kanto,
Nagmamasid, naga-abang, paupo at patayo
Naghihintay ng biktima, mga kawawang nagmamaneho
Kulang na nga ang kinikita,at malamang lumipad ang kaldero

Red light na ang lansangan at may natapat na jeep,
Dahil sa bagot ng tsuper, hala, sige sa peep-peep
Lintik na buwayang bakulaw, at siya ay sumilbato,
Walang nagawa ang jeep kundi huminto sa kabilang kanto

Bakit manong tanong ko, sa driver ng naiinis,
Ang kawawang tsuper, pilit ang bungisngis
Pagkuwa'y wika'y lintik ng pulis
Wala na naman akong maia-abot kay misis

Maya't maya'y may anino ng matabang bakulaw,
Sa bilis ng kilos tila kay Ninoy Aquino'y uhaw
Lisensiya mo, maangas pa niyang pasigaw
Ang kawawang si manong parang binalisawsaw

Puwede ba nating aregluhin dinig kong bulong niya,
Sagot ng parak sa kasamo ko ka magpaliwanag
Sabay talikod ang kurikong at si manong ay bumalik sa manuebela
Sambit ng bibig punum-puno ng pagmumura

Kawawa ka naman 'nong aking ikinantiaw
Hayaan mo na tugon niya, ganyan talaga ang mga uhaw
Sabay dukot ng cincuenta sa wallet niyang pudpod na
Na sa tantiya ko, gamit pa niya simula noong Decada Sitenta

Napangisi ako ngunit napigil kong tumawa
Ilang saglit lang sa kanto kausap na niya ang mga taba
Humarurot na ang ibang jeepney at lumilipad sa kalsada
Si manong driver, ang mukha ay pikon na

Pagtapak na silinyador agad siyang bumira,
Pasensia na sa abala, sa mga sakay wika niya
Sabay pabuga ng maitim na usok sa tambucho niyang butas butas na
Mga kawawang pasahero,langhap ang amoy ng gasolina

Umandar na naman ang aking pagka-usisero
'Nong magkano ba don sa mga lintik ibinayad mo?
Cincuenta Pesos, sagot niya na parang tuliro
Na sa wari ko'y nayamot dahil sa mga parak na gago

Cincuenta Pesos, tanong ko ulit sa tsuper na api
Oo,tugon niya, wala raw silang pang-kape
Susmaryosep nong may nagkakape ba sa tanghali
Hayaan mo na 'toy lintik lang ang walang ganti

Ako'y napapa-ismid at di mapigilang tumawa,
Sa 'Pinas na pala, mas mahal ang kape sa gasolina
Mantakin mong magpulis ka lang at sa kanto magkunwang may ginagawa
May pang Starbucks ka na sukli mo'y tiba tiba pa

Hayaan mo na 'nong wika kong bagot at inip na rin
Sa biyahe mo maghapon, malay mo ikaw'y palarin
Sana nga tugon niya sabay sabing Quiapo na
Ngunit muling sumimangot sabay sabing "Diosko po may isa pang buwaya"

Pailing-iling siya at sa tingin ko'y walang magawa
Ang driver na kawawa, kinita'y simot na
Bumaba na ako sa jeep at naglakad pa-Avenida
Baka sa kamalasan niya ako'y madamay pa.

Alas Dose (Hango Sa Aking Orihinal Na Friendster Blog, Petsa: Agusto 01, 2007)


Sinisipat-sipat ko ang orasan sa madilim kong sitio. No se el hora, di ko maaninag ang aking anino. Tanging naririnig ay ang transistor ng kapit-kuwartong mag-asawa
na nagpapatugtog ng mga awiting linuma na ng tiempo, ngunit masarap pa ring
pakinggan at sabayan ang bawat linya ng himig nito.

Naisip ko, nagsesentimiento na naman sila, dahil sa nasa kabataang edad palang
ay di pa nakakabuo, o malamang, di na nga makakabuo.

Ginagawa na nga lang nilang libangan ang los perros nilang mababaho, at kinakausap na parang sanggol. Paano naman kasi, yung muchacho, parang buligan sa taba, at ang anghit, abot pati sa kagili-giliran ng ilong ang nakakasukang amoy.

At yung esposa niya naman, parang ipinaglihi sa sama ng loob ang itsura. Ang ilong ay parang chicharong bulaklak at nagmamantika palagi sa pawis, at la mama grande pa.
ang hilig pang maglagay ng colorete sa mukha, mukha tuloy pokpok na payaso.

May mga usap-usapan ngang mas matanda siya at pinikot niya ang una noong ito'y patpatin pa. Los guajolotes ang tawag ko sa kanila, at kung nakikita ko silang magkahawak kamay, humahagikhik ako sa panga-alaska sabay ngiwi at iling. Una vida que disgraciada.

Habang ako'y hindi dinadalaw ng antok, unti-unting bumabalik ang mga nakakatuwang ala-alang akala ko'y limot ko na. Napapangisi ako't napapatawang parang loco sa pagkakasinghot ng kulob na katol.

De verras, bulong kong parang engot ang mga kataga ng pagkakamangha habang di ko mawari kung ako'y hahalakhak o maiinis sa mga walang katorya-torya kong nakalipas. Di ko sukat akalain na may mga bagay pala akong nagawa na noon, sa tingin ko ay tama. Por que no, patawa ko ring sagot sa aking sarili, habang ngumingiting parang pilio sa mga kagaguhan at pagiging filibustero. Pero naisip ko, di pala nakakatawa, at lalong di puwedeng ipagmalaki. No necesito explicarlos uno por uno. Nakakabuwisit kasi ang karamihan, nakakagago, at nakakahiya. Inosente pa ako noon, marahil, at maagang naging pasaway.

Maya maya pa'y lumalagapag na ang elisi ng electric fan pero parang wala akong naririnig, maliban sa matinis na tunog ng lamok na kanina pa nagpipista sa galak sa abertura ng aking tainga. Pinilit kong tsambahan upang tirisin sa galit, pero nauwi lang ako sa panlulumo. Nasisi ko tuloy ang aking pagiging makakalimutin, kung bakit hindi ako nakabili ng insektisidiyo. Gago, pendejo, panay sambit ko ang aking pagiging ulyanin, at pati na rin sa lamok na kanina'y iisa lang pero ngayo'y dumami na.

Kasabay ng bawat kagat ay ang gigil na mapatay ko sila hora mismo. Ilang saglit pa, marahil ay busog na sa aking dugo ang mga leche na insekto. Silencioso na ang paligid at rojo pelado na rin ako sa kakapalo sa aking katawan matsambahan lang ang mga pesteng lamok.

Ang aking kaisipan ay nakalutang na ulit sa kalawakan, habang ang aking mga mata ay nakatitig pa rin sa ubod ng dilim na kisame. Di pa rin talaga ako dinadalaw ng antok. Balikwas dito, balikwas doon, pero, ni isang hikab, walang nangyari.

Sinubukan kong sumipol sa tuno ng Marcha Nacional de las Islas Filipinas, subalit naalala ko, may mga taong tulog na at baka makabulabog pa ako sa kalagitnaan ng kanilang masarap na pagpapahinga habang humihilik, at namnam pa ang lasa ng sibuyas na inulam nila kaninang cena.

Naupo ako't napabuntong hininga, napatayo't napakamot ng ulo. Nagmumuni-muni at nagi-isip ng kung anu-ano. Palakad lakad na parang idiota sa aking sitio. Pagkuwa'y narining kong umalarma ang aking relong malapit ng mawarak, o di naman kaya'y malapit ng maging antigo sa kapal ng libag na di ko na napapansin at nabibigyang oras para linisin.

Habang tumutunog ang orasan, pinilit kong di patayin, pero naririnig ko na ang maktol ng isang naisturbong nilalang. Leche, panay ang sambit niya. Siguro dahil matandang hukluban na siya at ninunga esposo pa. Maramil ay ganun talaga ang nangyayari sa mga empleado de gobierno na umaasa na lang sa kakarampot na sueldo at naghihintay ng milagro na yayaman pa.

Natakot tuloy ako't napa-isip na ako rin pala ay tuta ng pamahalaan. Pero binalewala ko ang aking kaisipan. Tengo una novia de todos modos, at wala akong balak manatiling timawa ng gobierno.

Nais kong tumawa pero dinig ko na naman ang garalgal na boses niya, na ngayo'y mas iritable na. Puta, sambit niya. Puto kamo, mas masarap sa dinuguan, pero kung puta ang meron, aba eso es delicioso pabulong ko namang sagot, sabay dampot sa nagi-ingay pa ring relo.

Pagbukas ng ilaw, ako'y napahikab na, doon ko rin napuna, pabagsak na ang talukap ng aking mata, hijo de puta, esla media noche dose na. Hatinggabi na. Puñeta chapito, makatulog na nga.